"Tinda" by Kamizaging
(Originally Narda by Kamikazee)
Tag: True story
I.
Tila di ko na nadamang, nilapag ang saging,
ako'y napailing sa dalaga na kilabot ng opisina.
Mapapansin mo syang naglalako ng paninda nya,
may kasama pa sya na isa, Ingat ka baka mahiritan ka!
Chorus:
Saging na nananawagan, baka sakaling gusto mong tikman.
Paninda nya na sapilitan, sa kanta ko na lang idadaan.
Nag-aabang ang saging, sa mga agents nagroroving...
Sa likod mo mag-ingat ka, andyan na ang tindera!
II.
Ang dami nyang dala na saging, lagi syang may isang piling
kung takot sa kanya, babayaran mo na lang...
Mapapansin mo sya na may bilaong dala-dala, kanin, ulam,
may sago pa, may pag-asa bang maiwasan siya?!
Chorus:
Saging na nananawagan, baka sakaling napakikinggan...
Kung di mo kayang isang bayaran, sa hulugan na lang niya idadaan. Nangbibigla ang hirit, likod ng keyboard niya sinisingit,
Sa likod mo andyan na sya, ang bwiset na tindera!
Tatalon na lang ako sa bangin, para di nya ko masingil
ito ang tanging paraan para malagpasan...
Darating kaya? pagkat ako'y namumutla,
Kung naharang ka na nila, paano na kaya?
Chorus:
Saging na nananawagan, hindi pepwedeng di ka nya bigyan
Kung busog ka na sa isa, bibigyan ka pa ng pangalawa!
Nag-aalok sya kahit, naduduwal na pinipilit !
Sa likod mo mag-ingat ka, andyan na ang tindera!
Nag-aalok sya kahit, naduduwal na pinipilit ! Sa likod mo andyan na sya, ang bwiset na tindera!
------------------------------------------------------------------------------------
Ang siste:
Ito ay isang awiting nasulat ko noong ako ay panandaliang nagtrabaho sa isang call center sa ortigas. Alam naman nating lahat na ang matatagal na sa kumpanya ang syang maghahari at sa kasamaang palad ay isa ako sa isang batch ng mga baguhan at mukhang timawa habang pinagsasama ang pagka amaze at pag kanerbyos sa mga nakikitang bago sa napasukang hay-tek na mundo. At dahil dun ay sinamantala nitong isang pasaway at makulit na dalagang ka empleyado namin na mag-asal sugo at gatasan ang mga kawawang kalalakihan. Pero para nga namang hindi magmukhang garapal ay di kinalaunan ay naisip ni sugo na magtinda na lamang ng sari sari store sa loob ng opisina...Marami syang tinda pero ang pinaka 'd best kong paninda niya ay ang cheese sandwhich! Masarap sya! lasap na lasap mo ang pagkakatimpla ng panadero sa ginawa niyang tinapay kaso nagmukha akong si Nicolas Cage sa pelikulang "National Treasure" sa paghahanap at pag-asang malalasap ko ang treasure na gawa sa gatas.
Dahan-dahan kong binuklat na parang nagpipinta ng bagong bunot na baraha sa pasugalan ang pagitan ng dalawang tinapay...parang nag stop dance ang mga mata ko ng 2.3 segundo! Di ko maarok kung kinulayan ba ng water color na yellow ung dalawang pisngi ng tinapay o yun na mismo yung hinahanap kong treasure sa halagang 25 pesos! Namputcha! Manipis pa sa balat ng kambing ang palaman na keso...Pakiramdam ko nung mga oras na yon, para akong isang bata na inagawan ng lobo ng kapwa bata...
Pero syempre kabuuan ng kantang ito ay inaalay ko sa isang prutas na ang tingin ko ay isang joystick sa videohan na gagana lamang kung makakapaghulog ka ng token. Pero eto, hay-tek kusang lumalapet ang hulugan sa limang piso ko!...hindi ko alam pero hay-tek talaga kasi automatic pag pasok mo sa opisina ay may bubulaga na lang na saging. At pagbunot mo nito na kusang nagtatago sa likod ng keyboard, ay may sabik na mga daliring madiin na tatapik sa balikat mo sabay bukas ng nanginginig niya pang palad para maningil ng bayad!
Disclaimer: Ang lahat ng nasabi dito ay walang halong personal na galit at pawang kalokohan lamang ang intensyon...tsaka gusto din naman niya ung mga naisulat ko (sa katunayan marami pa yan, nakalimutan ko na lang yung iba) dahil sa ganitong paraan siya nagkakaroon ng rason para lalo akong kikilan at di kinalaunan ay ginawang propeta para magsilbing kolektor at taga pagpaalala, pag araw ng singilan sa mga iba pang miyembrong alipin.

No comments:
Post a Comment