Friday, August 29, 2008

Codename: Shaider

Codename: Shaider

Tag: True story


Nagkakamali ka kaibigan, hindi tungkol kay shaider ang ating pag-uusapan ngayon. Ito ay tungkol sa mga paborito nating bansagan ng codename...ang ating mga titser!


Nursery pa lang hanggang sa ako ay makatapos ng kolehiyo ay pasimuno na lagi ako sa pagbansag sa mga paborito kong pagtripan - ang mga guro. Maraming klase at uri ng pagbabansag sa isang titser...Maari kang magbansag gamit ang kanyang apelyido, konting dagdag, konting retoke sa pangalan...Presto! may bago na naman kayong libangan kinabukasan sa klase. Maari din naman sa kanyang pag-uugali, pagkilos at kung papaano siya makitungo sa kanyang mga estudyante. At ang pinaka-paborito kong paraan ng pagbabansag sa isang titser ay ang pagbansag gamit ang kanyang pisikal na kaanyuan, o kung sino man ang kamukha niyang karakter maging sa pelikula man, maimpluwensyang personalidad o pati na rin cartoon character.


Wag na nating patagalin at alam kong gusto mo nang masampulan ng mga binansag ko sa mga titser ko nung ako ay nag-aaral pa lamang.


Noong ako ay elementary, eto ang ilan sa mga napagtripan...


Sr. Lee a.k.a "Sister Tuli" - isang matabang madre na school prinicipal ng paaralan at mahilig sa contribution at gift offering ng mga canned goods at minsan ko nang pinagdudahan kung siya ba lahat lumalaklak ng mga de lata.

Dr. Lao a.k.a "Dr. Lawlaw/ Dr. Hilaw" -isang mabait na school dentist at may lahing intsik, madilaw ang ngipin kaya pwede rin nating syang tawaging "Dr. Dilaw".

Ms. Cabling a.k.a "Ms. Kambing" - adviser ko nung grade 5 na ginawa akong cleaner of the month dahil nahuli akong nag aala-body dancer sa harap ng klase.

Ms. Dagala a.k.a "Ms. Dalaga" - di ko sya titser pero crush ko siya kasi sexy at maganda, tamang -tama lang sa kanya ang bansag ko.

Ms. Manio a.k.a " Ms. Banyo" - adviser ko nung grade 6 at crush na crush ko rin at madalas abangan kung anong seksing damit ang isusuot kinabukasan.

Mrs. Samonte a.k.a "Mrs. Kamote" - isang matandang menopause na music teacher na walang alam kung hindi magturo ng DoReMi sabay hithit ng parang flute na bilog na di ko alam ang tawag at pinaghinalaan kong paraan niya yun para makhithit ng marijuana.

Ms. Monterorso a.k.a " Ms. Montesuso" - isang grade 5 science teacher na maalindog ang dating...Grrrrr!

Mrs. Sablan a.k.a "Mrs. Sablay" - Prefect at Christian Living teacher namin na mas mahaba pa mag-homily kay Pope John Paul kung maglecture ng values.

Sir Clacio a.k.a " Sir Ciocla/Siokla, Sir Claciomodo" - English at Reading titser ko nung grade 6 na siya ring humahawak sa Boyscout Club pero pinagusapang syoke at madalas manuntok sa braso at tagiliran ng mga kalalakihan kung nakagawa ng kalokohan. Hindi ko na mabilang kung ilang suntok ang inabot ko sa hayop na to...pero di kinalaunan ay nakasundo at naging kaibigan.


Mabait naman akong estudyante, tahimik, nasa dulo lang ng klase palagi nakapuwesto hanggang sa mag-college. Masipag mag-aral at laging nasa Honor Roll. Pero isa lang ang hindi ko maiwas-iwasan...ang madalas na mapagalitan at maging sikat sa klase dahil masyado akong makontra noon sa mga sagot ng kaklase ko at guro, pilosopo at pag gumawa ng kalokohan ay talagang malulunok ang sariling lalamunan sa kahihiyan dahil sa hindi na madrowing na pagmumukha ng galit na galit at nanggagalaiti kong titser.


At yan ang ikekwento ko sa susunod kong article na pinamagatang "Slumbook" (abangan...).


Medyo hindi ko na matandaan ang mga apelyido ng mga titser ko nung ako'y nag high school dahil ang hilig ko na noon ay ang pag naname face o ang mas hay-tek kong tawag nung college na "Stars tracks".


Eto ang ilan sa mga halimbawa...


Codename: Jograd - titser ko na babae nung 4th year hayskul ako sa Physics na kamukha ni Jograd (yung artista na komedyante nung dekada 90), ito ang klase ng titser na sundin mo lang ang gusto niya na sumali ka sa Science poster/slogan contest ay siguradong makaka survive ka na sa buong taon...Ako yun! kaya madaming nainggit sa akin kasi hindi na nga ako pumapasok sa klase niya ay mataas pa rin ang grado ko samantalang sila ay naghihikahos sa pagsagot ng pahirap na physics.

Codename: Delia Atay-atayan - Adviser/Math titser ko nung 4th year sa hayskul na kamukha naman ni Delia atay-atayan nung kapanahunan pa nila John and Marsha. Ang adviser ko na inubos ang 40 minuto ng buong subject para magsermon sakin dahil sa ako lang ang hindi nakapag NSAT sa buong metro manila. (bakit?-abangan sa susunod kong article na "Slumbook")

Codename: Penguin - isang values teacher na babae na kamukha ni penguin na ginanapan ni Danny de Vito sa pelikulang Batman Returns, na akala mo perpektong tao kung magsalita, kaya madalas akong mag cutting sa klase niya para maglaro na lang ng counter strike.

Codename: Mr. Bean - isang mabait, matalino at kagalang-galang na professor ng English 1 na female version ni Mr. Bean dahil kahawig niya to...pero sisiw lang sakin ang utuin siya at maki pag high five sa harap ng buong klase.

Codename: Metring David - Isang babaeng propesor sa Physics 2 na madalas kong pasukan ng late at paggapang kung pumasok sa klase. Kung kilala niyo si Metring David na isang beteranang komedyanteng aktres na madalas gumanap na katulong sa pelikula, kamukha niya yon!. Isang teacher na magbibigay ng imposibleng sagutin na tanong habang siya ay abalang makikipag-usap sa celfone niyang Nokia 5110, na di malaman kung asawa niya ba yun o kabit. Madalas akong magvolunteer na bumili ng 500 pesos Smart prepaid card para makatakas sa klase niya at maalala sa bigayan ng class card.


Minsan sa kabatuhan, kung anu-ano na ang naiisip ko, nabuo ko nga ang buong cast ng Super Mario Bros., at take note talagang kamukha nila ang mga character, na kung may picture lang ako nila kahit 1x1 lang ay ipopost ko dito sa article na to, pero hindi ko na babanggitin ang kanilang mga pangalan dahil sigurado ay hindi mo naman kilala ang mga ito.


And here's the main casts:

Mario - Dean ng College of Education na kung ngumiti ay kamukha ni Santa Claus pero pag nagalit ay kamukha si Santanas.

Luigi - Instructor ko sa Mechanical Drawing 3 na mukhang hindi pinapalamon at pinapasweldo ng unibersidad.

Princess - Instructor ko sa Shop 7, di talaga kamukha ni princess pero no choice na, siya lang ang medyo matino ang itsura na instructor sa college namin.

Koopah - Instructor ng Industrial Arts na kamukha rin ni Joaquin Fajardo ( yung artista dati na madalas gumanap bilang si Buwaya).

Kabute (yung alalay ni princess) - propesor na bading sa psychology

Unggoy na may shell ng pagong (yung namumukol ng boomerang na mukhang jackstone) - instructor ng computer

Duck na may shell ng pagong - pumalit na bagong Dean ng College namin na parang laging sa ballroom ang destinasyon, dahil laging nagmamadaling umalis ng office nya at sa klase namin at mapapansing laging may suot na padding ang balikat.

Ulap na nakangiti (yung namumukol ng kalaban mula sa itaas) - titser ko sa guidance and counseling.


Madalas din pag wala akong magawa ay kasama kong magstars tracks ang isa ko pang kaibigan na makulit, sa loob ng buong campus. At buong pagmamalaki namin sa aming campus dahil ito ay napapaligiran ng mga sikat at beteranong mga komedyanteng pilipino...minsan nga may import pa...eto ang ilan sa mga karakter na talagang hindi ko makakalimutan.


May kamukha ni:

Babalu
Joey de Leon
Rene Requiestas
Tintoy
Nova Villa
Tiya Pusit
Bernardo Bernardo
Mang Tomas ng Home along
Nguso ng Home along
Kuhol

Pugak and Tugak
Tatlong Pugo
Ben tisoy
Kachupoy
Norman Black
Cheechay
Bella Flores
Zoraida

At marami pang iba...


Minsan may mga hindi malilimutang special appearances pa...


Monstar Void - Yung pinakamatangkad na Monster na kalaban ni Michael Jordan sa Space Jam

Jack Jeebs - Yung lalakeng laging binabaril ni Agent K na si Tommy Lee Jones sa MIB sa ulo na lagi rin namang bumabalik sa dating anyo pagkatapos nitong pumutok.



*Marahil siguro ito ang dahilan kung bakit nangyare ang isang bagay na kahit sa panaginip ay hindi ko ginustong maging, dahil sa mga karanasan ko sa paaralan...subalit sa kasamaang palad ay ito ang aking naging kapalaran...ang maging...isang TEACHER!



Disclaimer: Ang lahat ng pangalang nabanggit na nabansagan ay walang halong personal na galit at pawang katuwaan lamang. Ito'y likha lamang ng malikot at gago kong imahinasyon at hindi intensyong manakit ng kapwa...kung baga...Walang personalan, trabaho lang.

No comments: