Slumbook
Isang gabay sa paglalakbay mula sa nakaraang pilit hinalukay
Tag: True Story
Marahil ay pamilyar sa inyo kung ano ang isang "slumbook"? Sino ba naman ang hindi makakaalam nito? dahil halos lahat tayo ay nagsulat at nakiloko dito...Ito ay isang paraan upang makapangolekta ng mahahalagang personal na impormasyon tungkol sa isang tao...maging kaibigan man, kamag-anak o pati na rin ang iyong crush.
At kung ako ang tatanungin ay may isang katanungan sa slumbook na talagang hirap akong sagutin at iyon ay ang "What is your most embarrassing/unforgettable experience?" - dahil hindi ko alam kung akma pa bang sagutin ko ang tanong na ito dahil halos lahat ng nangyari sa buhay ko ay kung hindi embarrassing ay unforgettable ito!
Inilahad ni Bob Ong (manunulat) sa ilan sa kanyang mga naisulat sa libro ang mga hindi niya malilimutang mga kalokohan na nagawa nung siya ay nag-aaral pa lamang. Subalit sa tingin ko ay mas malala ang mga naging karanasan ko na sisikapin kong maalala at maisalaysay sa inyo sa abot ng aking makakaya, upang makapagbigay aliw sa inyo at makapagbigay kahihiyan sa akin...
What is your unforgettable experience?...
Marami...lahat...
Why?...
Shut up!...
Di ko talaga alam kung paano uumpisahan...dahil sa sobrang dami ay naghang na ang cerebral cortex ng utak ko.
Teka simulan natin nung nursery ako...
-Hindi ko makakalimutan ang titser kong ito dahil nung panahon na nagbawas ang aking kalikasan ay siya ang naghugas ng wetpaks ko...at dahil hindi kasama sa trabaho ang ganun ay gumamit siya ng plastic na pambigas bilang proteksyon sa kamay senyales ng pandidiri.
-Nauto ko rin ang kaklase kong lalake na kainin ang sarili niyang kulangot sa paniniwalang mapapasama rin siya sa Top 10 Honors.
-Hindi ko na rin mabilang kung ilang beses na ako napagalitan ng titser sa harap ng klase mula nursery hanggang hayskul. Habang nanggagalaiti sa pagbibigay ng sermon at masasakit na salita ang titser ko sa akin ay siya namang baling ng aking atensyon sa pag-iisip sa aking crush sa kabilang section o di kaya ay abalang kinakabisado ang lyrics ng Bone Thugs.
-Madalas ko ring itapon ang mga test paper ko noong elementary sa basurahan kapag nakakakuha ako ng 85% pababa na score at ang tanging ipinapakita ko lang sa nanay ko ay iyong matataas.
-Ilang beses na rin ako naukaan/nagupitan ng buhok sa harap ng klase dahil sa katigasan ng ulo na hindi magpagupit dahil ako lang ang long hair habang ang iba ay syato ang mga buhok.
-Hindi ko alam ang ibig sabihin ng Flag Ceremony nung Highschool dahil minsan sa isang school year lang ako maka-attend nito.
-Napagalitan na ako ng Baranggay Chairman dahil pinaglalagyan ko ng maliliit na bato ang bintana ng bahay nila na hindi ko akalain na pagmamay-ari pala ng isang Chairman, dahil ang pakiramdam ko noon ay makakadagdag ito sa Aesthetic appeal ng kanilang bahay.
-Ilang beses na rin akong napagsarhan ng gate ng paaralan nung hayskul dahil lagi akong late at tinutuloy na lang sa pagka-cutting sa klase kahit na hindi sapat ang pera at siguradong pagka-gutom ang aking mapapala.
-Nasubukan ko na ring hindi magbayad sa karinderya sa gilid ng paaralan namin ng ilang beses kahit na mayroon naman akong pambayad at gusto lang masubukang mag-ala Palos kung makaka-puslit sa mainit na mata ng tindera.
Scenario 1: (sa klase)
Titser: (nagtanong ng pabiro)
Kaklase 1: (sumagot ng pabiro pero corny)
Ako: Booo!!! (malaki at pang-asar na boses)
(nagtawanan ang buong klase)
Titser: (panibagong tanong)
Kaklase 2: (sumagot ng pabiro pero corny ulit)
Ako: Booo!!! (ganun pa rin ang tono ng pang-aasar)
(nagtawanan ulit ang buong klase)
Titser: (huling tanong at ako ang tinawag sa pagkakataong ito)
Ako: (sumagot sa katanungan ng pabiro pero corny rin pala ang naibanat)
Buong klase: Boooooo!!!!!! (sabay-sabay at naglalakihang mga boses ang sumapak sa aking tenga at sabay nagtawanan pati ang titser)
Ako: (napaupo at tinanggap ng buong puso ang kahihiyan)
-Mangiyak-ngiyak din ang sinapit ko noong graduation namin sa CAT dahil ang section ko ang special battalion kaya puti ang suot namin at kakaiba sa lahat kaya kami ang nailagay sa unahan ng field. Isang malaking dagok sa buhay ko ang ma-late sa importanteng araw na yun dahil hindi ko malaman kung papaano ako sisingit sa linya at ang wala sa seremonyas ay hindi makicleared sa CAT. And the rest is history...patay kinabukasan...
Scenario 2: (sa klase - 3rd Periodical Examination)
Proctor: Ok class, pass your papers, finish or not finish!
Naipasa na ang lahat ng papel...nagbilang ang proctor, "Bakit kulang ng isa?!"...matagal na naghanap ang nagtatakang proctor habang naghehead count ang klase, at muling binilang ng proctor ang mga test papers. Wala nang nagawa ang proctor at nagbanta na lamang
na kung sino man ang hindi nagpasa ng kaisa-isang papel ay umamin na upang hindi na lumala ang sitwasyon...wala pa ring umamin na salarin.
Mabiliis na ang tibok ng puso ko dahil naipit nako sa sitwasyon.
Sinimulan ang pangalawang exam...
Nanigurado ang proctor at nagikot-ikot upang siyasatin ang bawat upuan ng estudyante. Nanlalagkit na ang pawis ko nung mga oras na iyon dahil anumang segundo ay si Kahihiyan na ang sasampal sa mukha ko.
Moment of truth...
Lumapit ang proctor sa mesa ko at tiningnan ang nagpatong-patong na papel...Pilit niyang hinuhugot ang isang papel na nakapailalim habang mariin ko namang pinipigilan na mahugot ito gamit ang aking hintuturo.
Pero muling nagtagumpay ang kabutihan laban sa kasamaan.
Pasigaw na nagtanong ang proctor...
Proctor: ano ibig sabihin nito?! magpaliwanag ka!
At eto ang lang ang tangi kong nasagot...
Ako: ay...naipit!
-Maraming beses na rin akong nagforge ng pirma sa mga test papers at assignments kapag ayokong ipakita ito sa nanay ko dahil mababa, kaya ako na lang ang nag-iimprovise. Ganun din sa pag peke ng pirma sa late log-in form sa opisina dahil sawa na akong mamaluktot sa kahihiyan habang pinagmamasdan ang nakasimangot na mukha ng aking mga manager at work force sa konsumisyon, ganun din sila...sawa na rin silang pumirma sa form ko.
Scenario 3: (sa paaralan -NSAT Day)
Excited akong gumising para sa NSAT noong araw na iyon dahil pakiramdam ko ay isa ako sa magta-top notch sa exam.
Habang papalapit ang jeep na aking sinasakyan sa paaralan, ay bigla akong kinabahan na sinamahan ng paglunok at pagpunas ng pawis sa noo sapagkat wala na akong naaaninag ni isang bakas na anino ng estudyante sa harap ng gate...
Ako: Shet! mukhang late na ako ng 5 minutes...nag-uumpisa na yata.
Habang papasok sa gate ay laking gulat ng sekyu ng paaralan sa akin...sabay tanong...
Sekyu: Oh?! san ka galing?!
Ako: mag-eexam po
Sekyu: kararating mo lang???
Ako: opo! nagsisimula na po ba? (nagsisismula na rin magdrum roll ang dibdib)
Sekyu: ay naku iho!!! kanina pang 6:30! patapos na ang exam...12:30 na!
Ako: ha?!! 6:30 ba??!
Tumigil ang mundo ko nung mga sandaling iyon, wala akong pakiramdam at maramdaman...at ang tanging alam ko lamang ay buhay pa ako at yari ako sa nanay ko pag-uwi.
Kinabukasan, natupad ang pangarap kong maging sikat dahil pinagusapan pala ako ng buong paaralan sapagkat ako lang ang hindi nakapag NSAT sa buong Metro Manila.
-Madalas paggapang ang pagpasok ko sa klase nung college na animoy nagkocombat training sa gubat.
-Lumusot na rin ako sa ilalim ng 10 wheeler truck para lang mag trip na muntik ko pang ikatodas dahil biglang umandar ito habang palusot pa lang ako.
-Nakaranas na rin ako ng matinding baldog sa ulo dahil nag baballet dancing ako habang suot-suot ang mukhang pang Mcdo na footrag.
-Hindi ko na mabilang kung ilang beses na ako nag-123 sa jeep kahit na may pamasahe naman ako at trip lang talaga ang nais.
-Pinag duck walk na rin ako paikot sa napaka lawak na campus ng unibersidad dahil sa sobrang pagka-late ko sa ROTC...at madalas ding mag ala-Rambo habang pasimpleng sumisingit sa pila ng battalion ko. Isa ako sa mga utak sa pagpaplano kung paano maka-puslit at makapag ober da bakod para lamang makatakas sa ROTC.
-Pinaghinalaan ko ang sarili ko, na ako ang salarin sa pagkakasunog ng isang building sa campus namin dahil sa pangenge alam nung 3rd day ko sa college. Ignorante kong pinihit ang isang gripo sa chemistry lab namin at dahil walang lumalabas na tubig sapagkat gas pala ang laman nito ay hinayaan ko na lang na nakabukas at hindi na muling isinara. Kinabukasan ay sikat na ang aming unibersidad sa TV Patrol, naging proud naman ako dahil paaralan ko yung nasusunog.
-Nakapagbigay na rin ako ng matinding konsumisyon sa Janitress ng kumpanyang pinapasukan ko dahil sa umaapaw na tubig mula sa bowl ng inidoro, sapagkat punong-puno ito ng nakabarang mga tissue matapos ko itong babuyin...(Warning: Explicit Content is Expected)...sabay eskapo...
Scenario 4: (sa isang panel job interview)
Interviewer: Lets say for example, all of us here are blind except from you,how would you describe a balloon without letting us touching it?
Nabigla ako sa tanong at matagal na nag-isip...
Dahil nakapirma na rin ako ng job offer sa ibang kumpanya ay hindi ko na rin sineryoso ang interview.
Ako: uhm...the balloon is like the planet earth, it is round or spherical that revolves around the solar system.
Interviewer: (kumontra si gaga) how can you describe it precisely, so that we can easily visualize it, remember we're blind since birth...
Ako: (umusok ang ilong ako sabay bulong sa sarili..."tangina naman pahirap") uhmmm...(blangko talaga ang utak ko nung mga sandaling yon) sabay hirit...
well for the boys...they can touch their...you know!...(nakangiti na pakiramdam na nakukuha na rin ng interviewer ang gusto kong sabihin)
Interviewer: you know what?! i dont know!
Ako: uhmm...you know...their testes (pahina na sinabi habang nakangisi)
Interviewer: their what?!!!
Ako: well, for the boys they can touch their balls...and for the ladies they can touch their breasts.
Nakita ko ang facial expression ng kasama kong nag-aapply na parang nagsasabing..."naku po! patay na..."
Interviewer: are you really like that?!
Ako: not really...sometimes...
Sa pitong nag-apply na ininterview...isa lang ang hindi natanggap.
Pagkatapos lang nun, ay napansin ko na lahat pala ng kasama kong lalake ay puro kalbo, na imbes na itlog ang ihalintulad ko sa lobo ay bakit hindi ko naisip ang kanilang mga ulo.
Hindi ko lubos maisip hanggang sa mga sandaling sinusulat ko ang article na ito kung bakit yon ang naisagot ko sa antipatikang interviewer...marahil ay para balang araw ay maisama ko ang karanasan na iyon sa mga article na sinusulat ko.
Sa kagustuhan ko mang ikwento sa inyo ang lahat ng mga kalokohan ko ay hindi na rin kakayanin ng utak ko dahil masyado silang marami. Kaya sa tuwing magsasagot ako sa slumbook sa katanungang "What is your most unforgettable experience?" ang sinasagot ko na lamang ay - "I forgot".
Moral lesson: Wala!...HUWAG NIYO AKONG TULARAN!...'yon ang moral lesson.
